Thursday, June 17, 2010

Unang Sulyap

Unang Sulyap
By Rosalina Reyes-Ferraris


Sa tuwing ako'y malulumbay aking binabalikan
Ang ating unang pagtatagpo na nakaukit sa aking kaisipan
Mistulang panaginip na ubod tamis at anong inam
Matamis na kahapon siyang gamot sa aking agam-agam.

Isang araw ng kahapon anong tulin na dumaan
Isang matipunong lalaki na sa aking harapan ay namataan
Sabay sambit, ”Kumusta ka!” itong aking naulinigan
Siya pala ay bumabati't naghihintay na aking tugunan.

Sa aking pagkabigla naumid ang aking dila
Di ko maalala ang sagot na siyang tama
Tila tumigil bigla ang oras na para bang sinadya
Damang-dama ko noon ang magkahalong hiya at tuwa.

Ikaw nga ba ginoo ay totoong nasa harapan
Di ka kaya isang pangitain ng bukas na daraan
Isa ka bang babala sa aking pusong naghihintay
Ng darating na pag-irog na anong sakdal at anong tunay.

Sa pagtatama ng ating mga mata na para bang nangungusap
Ikaw kaya ang lalaking hinihintay at pinapangarap?
Na sa aking dasal ay hinihiling na ibigay ng Maykapal
Upang makapiling at makasama habang buhay.

Makalipas ang maraming taon aking binalikan
Ang tanong ng puso kong noo’y nalulumbay
Ngayong tatlo na ang supling ng ating pagsusuyuan
Isang pahiwatig ng kaganapan ng aking dasal sa Maykapal.

Sa pag-usad ng mga araw na ating pinagdaanan
Sa bawat hakbang sa pagharap sa hamon ng buhay
Tayo ay magkasama matibay na hinihimay
Ang hiwaga at kaganapan na hinabi ng Maykapal.

Sa Kanya tayo umaasa, humihiling at nagdarasal
Nawa'y tayo ay pagtibayin sa paghanap sa kahit anuman
Di Niya tayo binigo sa ating hinahangad at inaasam
Kalakip ng pag-ibig ay aral anong dalisay.